Bayaw ni Baron niloko ni Marcos

NI: ARCHIE LIAO

Pinaninindigan ni Baron Geisler ang pagkuwestiyon sa motibo ng pagtulong ng diumano’y pilantrapong si Francis Leo Marcos.

Katunayan, marami raw itong reklamong kinakaharap sa ngayon dahil sa iba’t-ibang kaso.

Sinabi rin niya na umano’y biktima raw ng panloloko nito ang kanyang brother-in-law kaya naman nagawa rin niyang mag-post ng laban dito.

“Sa totoo lang, medyo pinagsisisihan ko na rin naman na nakapagpost ako ng video na patungkol sa kanya. Pero may pinaggagalingan naman ako kasi nalaman ko from my brother-in-law na nung 2008, isa ang pamilya nila sa mga naloko at nabiktima ni Leo Marcos. Hindi magandang makita na yung taong nanloko sa kapamilya mo mukhang walang accountability. I pray na sana kung hindi man ngayon, in the near future, mabigyan din ng hustisya yung pamilya ng brother-in-law ko at yung mga iba pang taong nabiktima niya,”aniya.

Ngayon, vindicated si Baron dahil inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang nasabing negosyante dahil sa paglabag umano sa optometry law.

Ito ay kaugnay sa isang kaso sa Baguio City dahil sa paglabag sa Republic Act No. 8050.

Panalangin ni Baron na sana sa pagkakataong ito ay manaig na ang katarungan.

May iba pang kasong nakasampa kay Marcos tulad ng umano’y qualified human trafficking at violence against women.

Bukod sa pagiging negosyante, isa ring internet personality si Marcos na may mahigit isang milyong subscriber sa kaniyang YouTube channel.
Anyway bukas ang Abante sa panig ni Leo para sa ikalilinaw ng mga paratang ni Baron.