Inaresto ng mga ope­ratiba ng pulisya ang bayaw ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño matapos mahulihan ng apat na sachet ng shabu, kasama ang isang babae at lalaki, sa ikinasang buy-bust ope­ration sa Brgy. Concepcion Dos, Marikina City.
Batay sa nakalap na ulat mula sa Station Drug Enforcement Unit (SDEU) na pinamumunuan ni Ins­pector Greco Gonzales, isinagawa ang buy-bust noong Nobyembre 12 bandang alas-9:00 ng gabi sa Magat Salamat St., Brgy. Concepcion Dos.
Inaresto ang 52-anyos na si Manuel Bautista y Tolentino, isang Grab driver at napag-alaman na bayaw ni Diño, kasama ang dalawa pang suspek na nakilalang sina Marife Oishi y Sudla, 42, residente ng Brgy.
Concepcion Dos, at Rafael Pineda y Santiago, 43, nakatira naman sa Brgy. Concepcion Uno, Marikina.
Ayon sa SDEU, talamak ang bentahan ng iligal na droga sa Brgy. Concepcion Uno at Dos kaya agad na ikinasa ang buy-bust at nahuli ang tatlong magkakasabwat na suspek.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang apat na sachet na naglalaman ng shabu at nabawi rin ang P500 na ginamit sa buy-bust.
Nakakulong na sila ngayon sa Marikina Police Station.
Kaugnay nito, kinumpirma ni Diño na bayaw niya ang naarestong si Bautista pero tiniyak nito na hindi niya kukunsintihin ang sinumang miyembro ng kanyang pamilya o mga kaibigan na masasangkot sa droga.