Bayaw pinatay sa gigil

Dead-on-arrival sa pagamutan ang isang tricycle driver matapos saksakin ng nanggigil na bayaw nang magtalo hinggil sa matagal nang alitan kamakalawa ng hapon sa Barangay Kalawaan, Pasig City.

Naisugod pa sa Rizal Medical Center ang biktimang si Regie ­Rosario, 37-anyos, habang arestado naman ang bayaw ng suspek na si Randy Palacpac, 47-anyos, kapwa tricycle driver at kapwa residente ng Sikap Compound, Sunflower Street, Brgy. Kalawaan.

Batay sa report ng Pasig City Police, naganap ang insidente bandang alas-3:30 Martes ng hapon sa harapan ng bahay ng biktima.

Nabatid na kinompronta ng suspek ang bayaw hinggil sa away-pamilya na nauwi sa mainitang pagtatalo ng dalawa hanggang sa bumunot ng patalim ang gigil na gigil na si Palacpac at agad na inundayan ng saksak ang bayaw.

Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa Pasig detention cell at nahaharap sa kasong pagpatay.