Baylon sabak din bilang frontliner

Minsan pang ipinakita ng 9-time Southeast Asian Games judo gold medalist na si John Baylon ang pagsisilbi para sa bansa bilang frontliner na lumalaban sa coronavirus.

Habang ang ibang atleta at coach ay pwersadong manatili sa loob ng bahay para makaiwas sa paglaganap ng coronavirus (COVID-19) pandemic, si Baylon naman ay kasama ang halos lahat ng miyembro ng national judo team bilang mga frontliner.

Si Baylon, na dalawang beses naging Olympian at kasalukuyang Air Force sergeant, ay naka-assign sa Cavite sapul na simulan ang dalawang buwan nang Enhanced Community Quarantine.

Ang 54-anyos na si Baylon, na kabilang na sa mga national coach, ay isa sa alamat ng Philippine judo matapos na magwagi ito ng siyam na sunod na gintong medalya sa kada dalawang taong Southeast Asian Games.

Kinahihiligan ngayon ni Baylon ang sports na jiu-jitsu kung saan isa itong Brazilian jiu-jitsu black belter. (Lito Oredo)