Ibinasura ng Office of the City Prosecutor ng Makati City ang Motion for Reconsideration (MR) na inihain ng blogger na si Jover Laurio sa isinampa nitong cyber libel laban sa social media influencer na si Franco Mabanta.

Nag-ugat ang kaso sa post ni Mabanta kung saan nakasaad ang mga salitang ‘Ogre Lady’ at ‘super ugly’.

Noong Hunyo 20, 2018 ay naglabas ng resolusyon ang piskalya kung saan ibinasura ang kasong isinampa ni Laurio laban kay Mabanta na paglabag sa Republic Act No. 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012) in relation to Article 353-355 (libel) ng Revised Penal Code dahil sa kawalan ng probable cause.

Naghain ng MR si Laurio at hi­nawakan ito ni Assistant City Prosecutor Maria Ghia C. Evangelista-Vizcarra para sa kaukulang aksiyon at disposis­yon ng reklamo.

Sa desisyon ni Vizcarra na may petsang Disyembre 3, 2018, tuluyan na nitong ibinasura ang isinampang kaso ni Laurio dahil ang mga argumentong inilatag umano sa MR ay kinunsidera na dati sa preliminary investigation.
“As it is, complainant has not forwarded any significant evidence or alleged errors of fact or law that can other­wise give merit to the motion for reconsideration,” ayon kay Vizcarra.

Hindi umano sapat ang mga ebidensiyang inihain ni Laurio bilang patunay na siniraan ni Mabanta ang kanyang hitsura. Hindi rin aniya naberipika ang mos­yon ni Laurio sa ilalim ng NSP Rules on Appeals.

Inaprubahan ni Senior Deputy City Prosecutor Emmanuel D. Medina ang desisyon ni Vizcarra.