Bea, John Lloyd nag-away

Maraming ginulat sina Bea Alonzo at John Lloyd Cruz last Monday night (April 27) nang mapanood silang dalawa sa live Instagram session ng aktres.

Nag-trending nga agad sa Twitter ang live chat nila at ang dami na agad nag-share ng video nila.

Actually, si Bea lang talaga ang may live session pero dumating sa point na naghanap siya ng makakausap kaya tinawagan niya si Lloydie. Bago ang aktor ay marami na siyang tinawagang friends pero walang sumasagot.

Kaya nagulat pa ang aktres nang biglang sinagot siya ni Lloydie at ‘yun na nag-usap na sila for almost 30 minutes at napakarami nilang napag-usapan.

At one point ay dumating na sa puntong nagtalo na sila at parang tumaas na ang boses ni Bea. Napag-usapan kasi nila ‘yung pagdi-distribute ng relief goods na siyang pinagkakaabalahan ng aktres lately.

Tinanong ni Lloydie kung hindi ba napapagod si Bea dahil ilang linggo na niya itong ginagawa. Ani Bea ay hindi naman daw dahil parang hindi naman daw niya nararamdaman ang pagod kapag nakikita niyang natutuwa ang mga tinutulungan niya.

Natanong ni Lloydie kung paano raw kung wala nang schedule at sagot ni Bea, may magpo-provide naman daw.

“I mean, kami, tutulong kami hangga’t kaya naming tumulong,” sey ni Bea.

Tanong ulit ni Lloydie, “eh paano kung hindi n’yo na kaya?”

Sagot ni Bea, “may magpo-provide nga. Hindi man kami, may magpo-provide.”

Tinanong ng aktor kung sino at sagot ni Bea, “are you questioning my optimism?”

Sagot ni Lloydie, “tinatanong ko lang kung sino ang magpo-provide.”

Tila naiirita namang sagot ni Bea, “hindi ko alam, hindi ko alam.”

Kaagad namang paliwanag ng aktor, “please don’t get me wrong. ‘Yung ginagawa n’yong ‘yan, ‘yang selflessness n’yo na ‘yan, ‘yung appreciation ko riyan is beyong words, maniwala ka.

“Pero hindi lang mawala sa isip ko ‘yung posibleng false hopes na kalakip ng mga pagkaing binibigay n’yo.”

“Grabe!” sambit ni Bea.

Sabi ulit ng aktor, “kasi Bey, hindi naman siya sustainable eh. So, maiiwan ‘yung tao na umaasa na bukas, may magluluto, magpa-pack, magbibigay, magpapakain. Pero ang tanong nga, paano kung wala?”

Ani Bea, “ano ‘yun? Ako na nga ‘yung tumutulong, ako pa ‘yung nakakasama, ganu’n?”

Kontra ni Lloydie “hindi ko sinasabing masama ang tumulong.”

Sagot ulit ni Bea, “eh parang ganu’n ‘yung sinasabi mo.”

Paliwanag naman ni Lloydie, “ang sinasabi ko lang, dapat, tulong lang siya, di ba? ‘Yun nga ‘yung point, eh, tulong lang dapat, dagdag. Kasi dapat, may ibang bahala diyan.

“Hindi naman pwedeng aasa na lang lagi sa kabutihan ng kapwa, di ba? Dapat, merong nanggagaling sa taas, sa kinauukulan.”

Hanggang sa nasabi na ni Bea sa aktor na “ganyan ka na ka-pessimistic? Totoo? Ganyan ka na?”

Lumawig pa ang kanilang diskusyon at parang nasa pelikula na nga ang dalawa habang nagbabatuhan ng linya lalo na nga si Lloydie na ang lalalim ng hugot.

Pati ang mga netizen ay nagtatanong na kung totoo ba ito or drama lang.

Bandang huli ay tinanong na rin ni Bea si Lloydie, “nag-aaway ba tayo?”

Bahagyang natawa ang aktor. “OA. Ang hilig mong maglagay ng label sa lahat ng. . . Hindi tayo nag-aaway, nagdidiskusyon lang.”

Sabi naman ni Bea, “nagdidiskusyon, kanina parang galit ka na, ‘yung boses mo, pataas na.”

Sagot naman ng aktor, “nagsalita ang hindi nagtaas ng boses.”

Giit ni Bea, “hoy nauna ka, kaya ako nag-ano, kakairita.”

Paliwanag ni Lloydie, matagal na raw naman silang magkakilala at okay lang naman daw na magdikusyon nang mataas ang boses.

Pero after ng diskusyon ay nagkaayos din naman sila dahil naiba na ang usapan at nagtawanan na sila.

Bandang huli ay hinarana pa ni Lloydie si Bea at kumanta ng You Are My Sunshine habang naggigitara.

Ang pinaka-surprise bago natapos ang pag-uusap nila ay ang appearance sa camera ng anak ni Lloydie at ni Ellen Adarna na si Elias. Sandaling-sandali lang um-appear ang bagets at nagpaalam na rin ang aktor kay Bea dahil kailangan na raw niyang patulugin ang anak.