Siklab ngayong araw ang Pilipinas International Beach Sports Festival sa Baywalk sa Puerto Princesa City sa Palawan.
Pangungunahan ni Puerto Princesa City Mayor Luis Marcaida III ang opening ceremonies na magbubukas sa three-day competitions na hinati sa dalawa – ang 2nd Pilipinas Open Water Swim, at 4th Pilipinas International Beach Water Polo.
“Handa na ang lahat, ang buong Puerto Princesa City ay masayang naghihintay sa simula ng kumpetisyon,” pahayag ni Marcaida.
Makikipagtagisan ng galing ang team ng Pilipinas laban sa mga dayong mula US, Canada, Russia, Uzbekistan, Malaysia, Hong Kong, China at Singapore.
Si Dale Evangelista ang namamahala sa kumpetisyon na suportado ng Philippine Sports Commission.
Sa men’s, apat na international at anim na local teams ang kalahok. Dalawang international teams mula Uzbekistan at Hong Kong ang sasagupain ng isang local squad sa women’s.
Alas-nuebe ng umaga ang unang laro sa beach water polo.
Dinagdag sa Open Water Swim event ang 10-km swim sa ilalim ng FINA rules. Lahat ng kalahok dito ay mula sa Pilipinas, sa mga kategoryang 500m boys at girls (10-year-old-and-under), 500m boys at girls (11-13 years old), 2.5km boys at girls (14-17), 5km men at women open, at 10km men at women open.