Buhay pa ang tsansa ng Adamson na sumikwat ng twice-to-beat sa Final Four matapos ikadena ang 77-53 panalo laban sa ­National University kahapon sa Season LXXIX UAAP men’s basketball sa Smart-Araneta ­Coliseum.

Kasalo ng Soaring Falcons sa third spot ang defending champion FEU sa 8-5 records, nasa pa­ngalawang puwesto ang Ateneo (9-4) sa likod ng La Salle (13-1).

Kailangang manalo ng Falcons sa kanilang huling laro kontra Blue Eagles sa Miyerkules para makahirit ng playoff sa No. 2 spot.

“We just have to beat Ateneo and create some sort of a tie,” wika ni Adamson coach Franz Pumaren.

Pagkatapos ng 14-game eliminations, twice-to-beat ang top two teams sa semifinals. Nasa Green Archers na ang isa matapos masiguro ang top spot.

Tumikada si Papi Sarr ng 22 points at 15 boards para buhatin ang Falcons, may 15 markers si Jun Espeleta.

Kumalas ang Adamson sa second quarter mula 17-all, nilipad ang 18-2 run para kapitan ang 35-19 halftime lead.

Sa first game, nanaig ang University of the East sa University of the ­Philippines, 80-67.

Bumira sina Philip Manalang, Bonbon Batiller at Emil Palma ng tig-14 puntos para kalsuhan ang four-game skid at ilista ang 3-10 karta.

Huling laro ng Red Warriors ang Tamaraws na humahabol din sa twice-to-beat edge.

Mga iskor:

Adamson 77 — Sarr 22, Espeleta 15, Tungcab 9, Manalang 8, Manganti 6, Ahanmisi 5, Paranada 5, Mustre 3, Camacho 2, Bernardo 2, Ochea 0, Pasturan 0, Ng 0, Chua 0.

NU 53 — Alejandro 15, Aroga 9, Salem 8, Yu 6, Diputado R 5, Mosqueda 3, Morido 2, Salim 2, Rangel 2, Abatayo 1, Diputado C 0.

Quarterscores: 14-13, 35-19, 56-40, 77-53.