Patay ang isang baklang beautician na umano’y kasama sa drug watch list, nang pagbabarilin ng mga hindi kilalang salarin na magkakaangkas sa motorsiklo, habang nakatayo sa harapan ng isang beauty parlor sa Pasig City kamakalawa ng gabi.

Dead on the spot sa pinangyarihan ng insidente ang biktimang si Arthur Malino, 48, ng 566 Magsaysay Street, Brgy. Manggahan, Pasig City dahil sa maraming tama ng bala sa ulo at sa katawan nito buhat sa hindi pa mabatid na kalibre ng baril.

Batay sa ulat ng Eastern Police District (EPD), nabatid na dakong alas-8:04 ng gabi nang pagbabarilin ng dalawang riding-in-tandem ang biktima habang nakatayo sa harapan ng isang beauty parlor sa Magsaysay St., sa Barangay Manggahan.

Posible umanong may kinalaman sa iligal na droga ang pagpaslang sa biktima dahil sa pagkakarekober ng mga pulis ng ilang plastic sachet na may lamang pinatuyong dahon ng marijuana.

Patuloy namang iniimbestigahan ang krimen at inaalam kung may CCTV camera sa pinangyarihan ng insidente upang makilala ang mga salarin.