Beauty pinangarap ang punerarya

NI: ARCHIE LIAO

May mga rebelasyong pinakawalan si Beauty Gonzalez kaugnay ng kanyang journey bilang artista sa ExtendTheLove series presents Actor’s Cue ni Adolfo Alix, Jr.

Ayon sa aktres, bago siya pumasok sa pag-aartista, pinangarap daw niya noon ang magmay-ari ng punerarya.

Naunsyami raw ito dahil tutol ang kanyang mga magulang.

Aniya, napaka-morbid daw nito kaya naman diniscourage siya ng kanyang parents na pasukin ang naturang negosyo.

Gayunpaman, hindi raw naman nawala ang pagka-weirdo niya dahil mahilig pa rin siyang magkolekta ng mga rebulto o artifacts na medyo scary o kakaiba para sa kanyang art collection.

After her PBB stint, hindi rin daw niya inakalang ang pag-arte ang larangang kanyang tatahakin dahil mukha raw siyang tabatsoy noon.

Kulang din daw siya sa kumpiyansa sa sarili dahil bukod sa Bisaya ay hindi raw siya marunong mag-Tagalog.

Pagbabalik-tanaw niya, sobra raw siyang na-starstruck kay Claudine Barretto sa unang sabak niya sa teleserye.

Dahil hindi raw siya sumailalim sa workshop, natulala raw siya at nawala sa sarili nang maka-eksena ang magaling na aktres noon.

Fan daw kasi siya ni Claudine at maging ang mga kasamahan niya sa bahay ay sinusubaybayan ang lahat ng teleserye nito noon tulad ng Mula Sa Puso, Saan Ka Man Naroroon, Sa Dulo ng Walang Hanggan, Marina at marami pang iba.

Pinangarap din daw niya noon na maging pambansang best friend tulad ng kanyang KG arch rival na si Dimples Romana, subalit sadya raw may ibang plano sa kanya ang Diyos dahil bida role ang natoka sa kanya ngayon.