Mistulang sinigurado ng mga salarin na hindi na makakaligtas pa sa kamatayan ang isang beauty queen nang walang a­wang barilin ito sa ulo ng dalawang lalaking suspek kahapon ng umaga sa Barangay Banga St., Plaridel, Bulacan.

Naisugod man sa pinakamalapit na ospital ay idineklara ring dead on arrival ang 23-anyos na biktimang kinilala ng pulisya na si Mary Christine Balagtas, dalaga, ng 1st La Mirada Subdivision, Barangay Banga 1st, Plaridel sa nasabing lalawigan.

Mabilis namang tumakas ang hindi nakila­lang mga suspek matapos ang insidente lulan ng isang motorsiklo.

Sa ulat ng pulisya, nagpanggap na magde-deliver ng bulaklak at chocolate ang mga suspek sa bahay ng biktima.

Pasado alas-nuwebe ng umaga kahapon nang mayroong magpadala ng bulaklak at isang kahon ng chocolate sa biktimang si Balagtas sa tinitirhan nito sa nasabing subdivision, ngunit nang makita umano ng dalawang suspek ang biktima ay hindi na nag-aksya pa ng panahon ang mga ito at kaagad binaril sa ulo ang huli.

Agad namang naisu­god si Balagtas sa Our Lady of Mercy Hospital sa bayan ng Pulilan, ngunit hindi na ito umabot ng buhay.

Samantala, blangko pa rin ang Plaridel police sa pagkakakilanlan ng mga suspek.

Si Balagtas ay kinoronahan bilang Lakambini ng Bulacan noong taong 2009 sa isang timpalak pangkagandahan ng lalawigan.