Halatang umiiwas si Beauty Gonzales na pag-usapan sina Ellen Adarna at John Lloyd Cruz. Sa Q&A ng story conference ng horror movie ng “Hipnotismo” ng BG Productions International ay natanong ang aktres kung nagkakausap ba sila ng kaibigang si Ellen.
Tugon ni Beauty, “Whatever, me and Ellen tsaka tungkol kay John Lloyd, hindi ko buhay ‘yun… So, wala akong karapatan magsalita tungkol doon.
Pero okay ba sila as friends? “Oo naman,” maikling sagot pa niya.
Ang “Hipnotismo” ay kuwento ng newly-wed couple (Beauty and Enzo Pineda) na nag-honeymoon sa Dumaguete. Sa pagtira nila sa lumang bahay ay daraan sila sa mga nakakakilabot na karanasan na halos muntik na nilang ikapahamak.
Tampok din sa “Hipnotismo” sina Polo Ravales, Miss Universe 3rd runner-up Ariella Arida, at Mr. World Philippines JB Saliva. May espesyal na papel din ang ilan sa BG talents na sina Kate Brios, Wayne Calderon, at Winter Calderon. Si Direk Joey Romero ang mamamahala sa pelikulang ito.
After ng Q&A, aminado naman si Beauty na ayaw niyang pinag-uusapan talaga sina Ellen at Lloydie.
“Yeah because, ayaw kong… I mean, I don’t like people asking me about them, kasi hindi ko naman buhay iyon, eh.
“Tsaka sila (Ellen at Lloydie), gusto nilang manahimik, so, bakit hindi na lang natin patahimikin… At saka enough about them, let’s talk about me na lang,” saad pa ng aktres.
Hinggil naman sa pagiging second choice niya sa pelikulang ito ni Ms. Baby Go dahil tinanggihan ito ng original na leading lady nito na si Megan Young, ito ang reaction ng Kapamilya aktres:
“Regarding doon sa isang artista (na tinanggihan ang role na ito), hindi ko po alam ‘yun, desisyon naman niya iyon, e. Thankful ako na sa akin napunta ang role na ito,” pakli ni Beauty.