Bebot gutay-gutay sa pagsalubong sa tren

Kalunos-lunos ang naging itsura ng isang babae na tinatayang nasa 16-25 ang edad makaraang salubungin nito ang paparating na tren sa riles ng Philippine National Railways (PNR) sa Perlita St., San Andres, Maynila kahapon ng umaga.

Ayon sa imbestigasyon ni PO2 Rey Rabut ng Manila Police District, dakong alas-sais ng umaga nang maganap ang trahedya kung saan nakita pa ng ilang residente habang nagla­lakad ang biktima sa riles ng tren.

Makalipas lamang ang ilang minuto ay dumating ang isang tren at bigla na lamang umanong sinalubong ito ng biktima dahilan para makaladkad siya nang 15 hanggang 20 metro ang layo.

Hindi na makilala ang biktima dahil sa mga tinamong pinsala sa mukha nito. Inilarawan ito na nakasuot ng kulay gray na t-shirt at dilaw na short pants at nasa edad 16-25.

Nabatid na sinubukan pa ng mga nakakita sa biktima na paalisin ito sa riles nang makita ang paparating na tren pero tila wala diumanong naririnig at nanatili ito sa riles.

Nag-iimbestiga pa rin ang pulisya sa barangay na nakakasakop sa pinangyarihan ng aksidente para makapa­ngalap ng karagdagang impormasyon sa pagkakakilanlan ng biktima.

Aalamin rin kung nakunan ng closed-­circuit television (CCTV) ang biktima bago ito ­naglakad sa riles.
Sinasabing tila wala sa katinuan ang biktima dahil kahit pinaaalis na ito sa riles ng mga nakakita sa kanya ay nagtuloy-tuloy pa rin sa paglalakad hanggang sa sinalubong ang papara­ting na tren dahilan para magutay ito.