Patay ang isang babae makaraang pagbabarilin ng hindi nakilalang armadong kalalakihan sa Parola Compound, Tondo, Manila kahapon.

Dead on the spot sanhi ng tinamong tama ng bala ng hindi mabatid pang kalibre ng baril ang biktimang nakilalang si Marilen de Guia, 49, residente ng nasabing lugar.

Mabilis namang tumakas ang hindi nakilalang lalaki matapos isagawa ang pamamaril sa biktima.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-dos ng hapon nang mangyari ang krimen kung saan nakitang naglalakad ang biktima nang biglang lapitan ng suspek bago walang sabi-sabing pinaulanan ng putok.

Duguang humandusay ang biktima habang agad na tumakas ang suspek.

Maliban sa tama ng bala, ay may nakita ring sugat sa kaliwang kamay at mukha ng biktima.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad upang malaman ang tunay na motibo sa nasabing pamamaril sa biktima.