Bebot na tsumibog sa driver’s seat sinakyod

Kritikal ang isang babae nang pagsasaksakin ng matandang lalaki habang kumakain ang una sa loob ng sasakyan sa Valenzuela City, Linggo ng tanghali.

Nakaratay sa Valenzuela City Medical Center sanhi ng tinamong mga saksak sa katawan si Eloisa Francisco, nasa hustong gulang, taga-Balangkas Bukid ng nasabing lungsod.

Sa panayam kay PSSG. Regor Germedia, ng Station Investigation Unit (SIU) ng Valenzuela Police, na-inquest na sa kasong frustrated murder ang suspek na si Janibal Batoy, 67-anyos, kapit-bahay ng biktima.

Sa salaysay ng witness na si Simeon Navarro kay PSSG. Germedia, nakita raw niya si Francisco na nanananghaliang nakaupo sa driver’s seat ng Toyota Tamaraw FX (plate No. TMC-854).

Tiyempong dumating ang lasing na si Batoy, kinompronta ang biktima saka tinarakan nang tatlong beses sa katawan.

Mabilis na tumakas ang suspek pero sa ikinasang follow-up operation ng Police Community Precinct (PCP) 5 sa pamumuno ni P/Lt. Ronald Bautista, nasakote ang suspek.

Lumalabas na nagtanim ng galit si Batoy kay Francisco dahil sa away sa lupa na nauwi pa sa demandahan. (Orlan Linde)