Isang katawan ng babae na pugot ang ulo ang natagpuang nakahandusay sa gilid ng kalsada sa Obando, Bulacan kahapon ng madaling-araw.

Ayon sa ulat ng pulisya, ang walang buhay na katawan ay ibinalot sa kumot nang walang awang sala­rin at itinapon sa Navarete Road, Brgy. Pangulo sa nasabing bayan.

Bandang alas-singko ng madaling-araw nang ‘di sinasadyang matagpuan ng isang naglalakad na residente ang biktima na agad nag-report sa mga tauhan ng barangay na nakakasakop sa lugar.

Sa ngayon ay inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan at patuloy na hinahanap ang ulo ng biktima, habang tinutugis ang suspek na may sala sa karumal-dumal na krimen.