Hindi na nakapalag pa nang dakmain ang isang babae sa isinagawang buy-bust operation ng mga tauhan ng Drug Enforcement Unit (DEU) ng Southern Police District (SPD) sa isang hotel sa Pasay City kamakalawa ng gabi.
Dakong alas-siete ng gabi nang gawin ang operasyon sa pangunguna ni Chief Inspector Jerry Amindalan, hepe ng DEU ng SPD sa isang silid ng isang hotel sa FB Harrison sa Pasay City.
Kinilala ang nakalabosong suspek na si Cathryn Prudente, alyas ‘Ging Ging’, 27, dalaga tubong Leyte at nakatira sa 2027 Leveriza St., Barangay 23, ng nasabing lungsod.
Isa sa mga tauhan ng DEU ang nagpanggap na poseur buyer upang bumili ng P3,000 halaga ng shabu. At nang aktong iabot na ni Prudente ang droga ay dinakma agad ito ng ilan pang mga awtoridad hanggang sa naaresto.
Nakuha sa pag-iingat ng suspek ang limang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu at ang 3 pirasong tig-isang libong piso na marked money na ginamit sa buy-bust operation.
Habang tinatayang nasa P30,000 ang halaga nang narekober na droga sa suspect na nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Section 5 at 11 Article ll ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.