Laglag sa kamay ng mga awtoridad ang 24-anyos na babae matapos ang ikinasang entrapment operation laban dito, nang ireklamo na nangikil sa isa pang babae kapalit ng hindi pagpo-post ng mga hubad na larawan nito sa internet.
Kinilala ang suspek na si Joy Eunice Nool, alyas ‘Via,’ 24-anyos, ng Brgy. San Andres, Victoria, Tarlac. Inaresto ang suspek alas-tres Biyernes nang hapon matapos ireklamo ng biktimang itinago sa pangalang Rhea, 24, residente ng Marikina City.
Dumulog sa pulisya si Rhea matapos umanong magbanta ang isang Ethan Andrei Ricafort, na hinalang si Nool din, na nakilala niya sa social media, na ipapaskil ang kanyang mga hubad na larawan sa internet kung hindi magbibigay ng pera.
Agad namang nagkasa ng entrapment operation ang mga pulis at nadakip ang suspek sa food court ng Trinoma mall, sa North Ave. Brgy. Bagong Pag-asa, ng nasabing lungsod, habang aktong tinatanggap ang P1,000 entrapment money mula sa biktima.
Nakumpiska rin mula sa suspek ang isang ‘di pa batid na uri ng bala, na ayon kay Nool ay isa lamang anting-anting. Nabatid din na nasangkot sa kasong pagnanakaw ang suspek noong 2012, at ngayon ay nahaharap naman sa kasong extortion.