Selos ang tinitignang motibo sa ginawang pagpaslang sa isang babae makaraang pagbabarilin ng kanyang dating nobyo kahapon nang umaga sa Parañaque City.

Sanhi ng dalawang tama ng bala ng kalibre 45 baril sa katawan ay namatay noon din ang biktimang si Gigi Despi, naninirahan sa no. 17 Marso St., Brgy. Baclaran.

Patuloy namang nagsasagawa ng manhunt operation ang mga awtoridad laban sa tumakas na suspek na nakilalang si Arnel Pareno.

Sa report ni P/Col. Rogelio Rosales, hepe ng Parañaque City Police, alas-9:06 ng umaga nang maganap ang insidente sa tapat ng bahay ng biktima sa No. 17 De Marso St., Brgy. Baclaran.

Ayon kay Rosales, nakatanggap sila ng report hinggil sa pamamaril ng suspek sa nasabing lugar.

Nang respondehan ng mga pulis ay naabutan na lang na duguan at wala ng buhay ang biktima.

Sa pagsisiyasat ng mga pulis sa ilang saksi, dati umanong nobyo ng biktima ang namaril.

Lumitaw na matagal nang walang relasyon ang suspek at biktima at maaring hindi umano matanggap ng lalaki ang paghihiwalay nila.

Sa ngayon ay selos at love triangle ang tinitingnang na anggulo ng mga pulis sa motibo sa krimen. (Armida Rico)