Isang babae ang nasawi habang dalawa ang sugatan kabilang ang menor-de-edad nang pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang lalaki na naka-bonnet sa Barangay 187, Zone 16, Pasay City kahapon ng madaling-araw.
Sanhi ng dalawng tama ng bala ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril sa ulo at sa katawan ay namatay sa pinangyarihan ng insidente ang biktimang si Mariafe Gabriel, nasa hustong gulang at naninirahan sa Twin Pioneer Extension ng nasabing lungsod.
Patuloy namang nilalapatan ng lunas sa San Juan de Dios Hospital ang dalawa pang kasamahan ng biktima na sina Jericho Ubaro, 15 at Lyka Cecillio, 26 na nagtamo ng tig-isang tama ng bala sa likod.
Base sa isinumiteng report ni Supt. Deanry Francisco, dakong alas-dos ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa Twin Pioneer Extension sa nasabing lungsod.
Sa imbestigasyon ni SPO2 Dennis Desalisa, nabatid na nakatambay sa isang tapsilogan ang tatlo nang lapitan ng dalawang suspek na naka-bonnet at saka pinagbabaril.
Nang duguang bumulagta ang mga biktima ay mabilis na tumakas ang mga salarin sa hindi mabatid na direksyon na palayo sa pinangyarihan ng insidente.