Isang 22-anyos na babae ang nasawi habang pito ang sugatan nang magsalpukan ang isang trailer truck at pampasa­herong bus sa Barangay Santa Catalina, Atimonan, Quezon.

Malakas na bagok sa ulo ang tinamo ng biktimang si Marry Shaine Oas, 22, ng Minalabac, Camarines Sur dahilan ng agarang kamatayan.

Sa ulat ng pulisya, habang binabaybay ng truck na minamaneho ng suspek na si Ruperto Santos II, 31, ang pababang kalsada sa nasabing lugar ay nawalan ito ng preno at aksidenteng nahagip ang kasalubong na Isarog Line Bus na minamaneho ni Noel Cabrito, 50.

Dahil sa lakas ng impact ng pagkakabunggo, nagtamo ng sugat sa kanilang katawan ang da­lawang driver gayundin ang mga sakay ng bus na sina Ramon Albuis, 61; Victor Sayno, 58; Shiela Plata, 38; Glecyden Nolasco, 30; Porfereio Abunite Jr, 26; Ramon Albius, 22 at ang pahinante ng truck na si Albert Almonte, 19.