Patay ang isang babae habang malubhang sugatan ang kaibigan nito nang salpukin ng humaharurot umanong pampasaherong jeep sa madilim na main road sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
Papauwi na umano ang biktimang si Jovelle Apruevo, kasama ang kaibigang nakilala sa pangalang May at pinsang si Rolando dela Cruz, ganap na alas-10:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Quirino Highway, Barangay 185, Malaria ng nasabing lungsod.
Patawid ang mga ito nang hindi nila namalayang paparating ang pampasaherong jeep na minamaneho ni Randy Ramos, dahilan upang masalpok sina Apruevo at May. Masuwerteng hindi agad nakatawid si Dela Cruz at nakaligtas ito.
Dead on the spot si Apruevo, habang nagtamo ng malalang sugat sa ulo si May.
Ayon kay Dela Cruz, napakabilis ng pagpapatakbo ng driver at may kadiliman umano ang lugar kaya’t walang ni isa sa kanila ang nakapansin sa paparating na jeep.
Pinabulaanan naman ito ni Ramos at sinabing naghaharutan ang mga biktima nang biglang tumawid. Dahil madilim nga sa lugar ay hindi umano niya napansin ang mga ito.
Hindi rin umano totoo na mabilis ang kanyang pagpapatakbo, dahil kung mabilis ay posibleng magulungan pa niya ang mga biktima nang magpreno siya.