Bebot sinalvage sa Taal Lake

Isa na namang bangkay na hinihinalang biktima ng salvaging ang natagpuan sa Taal lake sakop ng Laurel, Batangas Martes nang umaga.

Ayon sa report ng Laurel police, lumutang ang hindi pa nakikilalang bangkay ng babaeng nasa edad 20-25 anyos at naka-asul na t-shirt sa bahagi ng Brgy. Balakilong.

Nasa state of decomposition na ang bangkay nang siyasatin ay may dalawang tama ng saksak sa tiyan.

Nakagapos din ang mga paa nito na nakakabit sa leeg at may busal na tape ang bibig.

Kinabitan din ang beywang nito ng dalawang sako na hinihinalang nilagyan ng pampabigat para lumubog ito sa tubig.

Isinailalim na ito sa awtopsiya para makilala.

Ito na ang pang-apat na bangkay na natagpuan sa Taal lake kung saan noong nakaraang buwan ay tatlong bangkay ng lalaki ang itinapon at pinalubog din sa tubig subalit lumutang sa may baybaying bahagi naman ng Tanauan City. (Ronilo Dagos)