Kung totoo ang mga umiikot na kuwento tungkol sa isang kilalang becki personality ay mukhang napaaga naman ang paglaki ng kanyang ulo kesa sa kanyang sombrero. Mabilis siyang nalunod sa isang basong tubig.
Kabagu-bago pa lang niya ay hindi na kagandahan ang mga istoryang lumalabas tungkol sa kanyang attitude. Hindi pa man ay nagmamahadera na ang becki, marami nang reklamo, espesyal na pagtrato ang lagi niyang hinahanap sa linya ng kanyang trabaho.
Kuwento ng aming source habang nakataas ang kilay, “Ano ito, lokohan? Kung ‘yung becki personality nga na milya-milya na ang layo sa kung anumang meron siya ngayon, e, hindi ganyan!
“Nakatapak pa rin ang mga paa niya sa lupa, e, boxoffice star na ‘yun, ha? Ano na ba ang maipagmamalaki ng becking ‘yan? ‘Yung pagkakaroon niya ng korona sa isang pa-contest? Tantanan niya kami, ‘no!” mas tumaas pa ang kilay na pahayag ng aming impormante.
Mukhang nilayuan na rin ng mga dati niyang kaibigan ang becki personality. Mula kuno nang manalo siya sa isang gay contest ay hindi na siya ang dating nakakasama ng mga ito.
Patuloy ng aming source, “Di ba, merong katalo at hindi? Kung mga dating friends niya naman ang nang-iimbita sa kanyang mag-judge sa gay contest, sana naman, e, hindi niya kinakatalo ang mga ‘yun!
“Ang management office niya ang isinasangkalan niya, hindi raw naman siya ang nagpepresyo sa talent fee niya, sumusunod lang daw naman siya sa sinasabi ng nagmamaniobra ng career niya!
“Ano uli ito, lokohan? Kung siya mismo ang magsasabi sa manager niya na hindi katalo ang nang-iimbita, hindi ba siya pagbibigyan ng mga taong ‘yun?
“Wala naman siyang sinasabing ganu’n, tinatalo na niya pati ang mga dating kasama-sama niya nu’ng walang-wala pa siya, tama ba ‘yun? And I, thank you!” nakairap pang pagtatapos ng aming source.
Ha! Ha! Ha! Ha!
***
Krissy kakasuhan ang kapatid ng kasosyo
Ayan, nanganak na nang nanganak ang isyu, kakasuhan na rin ni Kris Aquino ang kapatid ng dati niyang business partner na si Nicardo Falcis II.
Dahil sa matatalim na posts ni Attorney Jess Falcis sa social media ay walang ibang pamimilian ang aktres-TV host kundi ang sampahan na rin ng kasong libelo ang kapatid ng kanyang hinahabol na si Nicko.
Nang mabasa namin nang buo ang mga pahayag ni Attorney Jess sa social media ay napapitlag kami. Mukhang isandaang porsiyentong nagpadala sa kanyang emosyon ang abogado.
Puro masasakit na salita ang ikinakambal nito kay Kris, nilalait pa nga nang wagas na wagas, dahil sa pagdedepensa sa kanyang kapatid. Hindi sinasagot ni Kris nang sabayan ang mga bira ni Attorney Jess, sa tamang proseso siya sasagot, sa piskalya.
Sabi nga ng kaibigan naming propesor, “Napakadali lang namang matapos ang problemang ‘yan. Wala palang ninakaw ang brother niya, sinungaling pala si Kris, e, di pauwiin niya ang kapatid niya para sumagot?
“E, bakit kasi nagtatago ang brother niya? Bakit nasa Thailand, sa halip na harapin ang kasong isinampa ni Kris laban sa kanya? Ganu’n ba ang matapang?
“Malatin man sa kasisigaw si Attorney Jess bilang pagtatanggol sa brother niya, his words will not count! Hindi siya ang kinasuhan, ang kapatid niya, kaya kailangang umuwi si Nicko para harapin ang problema niya!” naiinis na pahayag ni prop.
Naaawa kami kay Attorney Jess Falcis, ito ang sumasangga sa mga bintang na ibinabato laban sa kanyang kapatid, at habang panay-panay ang pagpapatutsada ng abogado laban kay Kris ay lalo lang nitong pinalalala ang problemang pinagdadaanan ni Nicko.