Isang 32-anyos na bading ang umano ay pinatay at inili­bing ng dalawang binatilyo sa tabi ng bahay ng isa sa mga suspek sa Guinayangan, Quezon.

Kinilala ni Police Colonel Osmundo de Guzman, director ng Quezon PNP, ang biktima na si Gregorio Salazar Rocha, residente ng Barangay San Isidro Ilaya sa bayan ng Buenavista.

Naaresto naman kamakalawa ng mga awtoridad ang isa sa mga suspek na si Godofredo Tucio Sales, 18, habang pinaghahanap pa ang isa na si KC Einstein De La Concepcion, kapwa taga-Barangay Calimpak, bayan ng Guinayangan.
Batay sa imbestigasyon, natuklasan ang krimen matapos i-report sa pulisya ng dalawang dalaga na kaibigan ng mga suspek ang krimen.

Dahil binabagabag umano ng kanilang konsensya, isinalaysay umano nina May-Ann at Laiza na ipinakita pa umano ng dalawang suspek bilang pruweba ang nakalibing na paa ng biktima nang dumalaw sila sa bahay ni Sales noong Pebrero 12.

Ayon umano sa mga suspek, napatay nila at inilibing sa bakuran nina Sales ang biktima noon pang Pebrero 7 matapos magtalo ang tatlo dahil sa hindi pagtupad ng biktima sa kanilang ‘kasunduan.’

Kamakalawa ay hinukay ng mga awtoridad ang labi kasabay naman sa pagkakadakip ni Sales.