Bela, Camp Wagi ang puso

Bela Padilla

MATAGAL-TAGAL nang wala sa cast ng Ang Probinsyano si Bela Padilla, pero ang tungkol pa rin sa action-packed tele­serye ng ABS-CBN na pinagbibidahan ni Coco Martin ang inusisa sa kanya ng ibang mga nag-interbyu sa kanya sa press conference ng pelikulang Camp Sawi.

Feeling kasi ng iba, may ibang dahilan ang pagkawala ni Bela sa nasabing series.
May tsika kasi noon na insecure sa kanya ang isa sa kasamahan niya sa Ang Probinsyano.

“Actually, I’m so thankful na naging part ako ng Ang Probinsyano.
“Tumatak din kasi talaga ‘yung naging role ko roon, pero umabot pa nga ako ng 29 weeks na ang original talaga, 8 weeks lang dapat ako roon,” pa­liwanag ni Bela.

Hindi na dapat pag-usapan ang tungkol sa pagkawala niya sa Ang Probinsyano dahil ma­tagal na ‘yon at abala na siya ngayon sa promo ng Camp Sawi.

Kahit tungkol sa heartaches ang Camp Sawi, hindi masasabing sawi si Bela pagdating sa lovelife.
Going stronger ang relasyon nila ng businessman/producer na si Neil Arce.
Camp Wagi, ikanga!

Isa si Neil sa producers ng Camp Sawi at very supportive ito sa career ng girlfriend.

Ang maganda kay Neil, kahit parte na rin siya ng showbiz world, never naman siyang nagpaka-stage boyfriend kay Bela. Sa presscon ng Camp Sawi, hindi dikit nang dikit ang binata sa girlfriend.

***

Si Irene Villamor ang direktor ng Camp Sawi.
Hindi na baguhan sa movie industry si Direk Irene dahil matagal si­yang naging assistant director ni Bb. Joyce Bernal.

Co-director siya ni Antoinette Jadaone sa flop movie na Relaks, It’s Just Pag-ibig.
Kung hindi masyadong naramdaman ang Relaks, It’s Just Pag-ibig, matunog naman ang Camp Sawi.

Bukod kay Bela ay mga bida rito sina Arci Muñoz, Andi Eigenmann, Yassi Pressman at Sam Milby.

Noon pa namin kilala si Direk Irene na siya ring assistant director ni Bb. Joyce sa Richard Gutierrez-KC Concepcion movie na For The First Time ng Star Cinema na kinunan ang mara­ming eksena sa Santorini, Greece noong 2008.

Masayang kasama si Direk Irene. Nakasama namin siya nang kumuha kami ng Schengen visa sa Greek Embassy.

That time, nagsuot ng white long sleeve blouse at black pants na lampas tuhod si Direk Irene.

Ang dating niya ay kahawig na kahawig ng ibang mga umaakyat sa mga bus na bigla na lang nagpi-preach, kaya tampulan siya ng kantiyaw that time na sinasakyan naman niya.

Tawa lang siya nang tawa sa biro na after namin mag-apply ng visa, dederetso siya sa EDSA at aakyat sa mga bus para mag-preach.

Nang magkita kami sa press conference ng Camp Sawi, niyakap at kinongra­tulate namin si Direk Irene sa big break na ibinigay sa kanya ng Viva Films.