Handang-handa na ang Belladonnas na makipagsalpukan sa all male group na Clique V para sa isang all-out concert entitled “This is Me” na magaganap sa Feb. 23 (Saturday), sa SM North EDSA Skydome, 7 p.m.
Bagama’t magkakapatid sila sa 3:16 Events & Talent Management ni Ma’am Len Carillo, pagdating naman sa stage ay pahusayan sila ng performance.
Ang Belladonnas ay bihasa sa pagkanta at pagsayaw. Sumasabak na rin sila sa pag-arte sa pelikula at telebisyon. Ito’y binubuo nina Quinn Carillo na tinaguriang The Belladonnas’ queen of the dance floor. Nandiyan din sina Phoebe, Chloe, Jazzy, Xie, Rie at Tine.
Sa darating na concert, sino ang mas papalakpakan, sila o ang Clique V?
“Wala naman po sigurong mas kasi pareho naman po kaming magwo-work-hard for this. At saka, sabi nga po ng title ng concert, ‘This Is Me’ so kanya-kanyang showcase po kami ng sari-sarili naming mga talent,” paliwanag ng grupo nang mag-guest sila sa online show ng Abante Tonite na “Tambayan ng Tsika.”
Ano ang pasabog nila sa concert?
“Gusto naming i-surprise ‘yung tao so aside from singing and dancing, mayroon pa po kaming iba’t ibang talent na ni-ready for them.”
Sa dami ng sing and dance female group, ano ang lamang ng Belladonnas?
Ani Chloe, “Nagtuturingan po kaming magkakapatid kahit hindi magkakadugo.”
Ano ang definition ng cute boys sa kanila?
Jazzy: “Sa akin gusto ko po chinito, maputi, ganyan.”
Phoebe: “Sa akin po kasi ‘di po talaga ako nagbi-base sa physical appearance, sa ugali po talaga. Siyempre nandu’n na rin na kailangan cute.”
Chloe: “Ako po mabait tsaka moreno, matangkad.”
Sa Clique V, sino ang cute?
Jazzy: “Sa akin po talaga, si Karl. Kasi baby po namin siya. Pero kapag sa stage sobrang nag-iiba po siya eh, parang nagta-transform po talaga.”
Chloe: “Ako po si Marco, kasi parang wala po siyang hindi kayang gawin.”
Phoebe: “Si Kuya Marco din po kasi sobrang versatile niya kapag nagda-dance. Sa singing din and pati sa acting. Parang nasa kanya na yata lahat.”
Quinn: “Sa akin po si Karl pati si Blaze kasi si Karl po iba aura eh. Si Blaze naman po habang tumatagal mas naa-appreciate mo na mas guma-guwapo siya.”
May hirit ‘pag niligawan ng tomboy
Ano ang gagawin nila ‘pag niligawan sila ng tomboy?
Quinn: “Siguro, I will just turn her down nicely.”
Phoebe: “Hindi po ako against sa LGBT pero for me turn down nicely na lang po.”
Jazzy: “Ako hindi ko po ma-imagine talaga. If ever po kasi, siguro friends na lang.”
Chloe: “Kapag good kami sa isa’t isa. Kasi hindi naman po matuturuan ‘yung puso eh.”
Sino ang ultimate celebrity crush nila?
Quinn: “Ako po talaga si Jericho Rosales po. Eversince. Kasi dati pa lang po sa may ‘Pangako Sa ‘Yo’ napapanood ko na siya. Sobrang wow, tapos habang tumatanda mas gumagwapo.”
Jazzy: “Paulo Avelino po. Parang ano po kasi kahit matanda or bata ‘yung kapareha niya bumabagay.”
Phoebe: “Ruru Madrid po, bukod sa gwapo po siya, magaling din siya umarte and down to earth po siya.”
Chloe: “ Ako po si Piolo Pascual po. Kasi po sobrang gwapo niya, ang galing niyang umarte.
Xie: “Ako si Daniel Padilla po.”
Ano ang nabago sa buhay nila simula nang maging miyembro sila ng Belladonnas?
Quinn: “Siguro sa akin in terms of pagiging outgoing, extrovert kasi hindi po ako ganito dati ka-talkative.”
Jazzy: “Mas naging confident po ako, kasi dati hindi ako mahilig mag-try ng mga bagay-bagay kasi parang hindi ko naman kaya. Pero ngayon, sige try na lang nang try.”
Xie: “Sa akin naman po marami ako naging kaibigan.”
Chloe: “‘Yung mga bagay na hindi ko akalaing magagawa ko, nagawa ko po. Nakakanta po ako nang live, nakaarte po ako,”
Phoebe: “Marami po ako natutunan. Kasi una po talaga ang gusto ko umarte kasi before sumali ako ng theater group. Pero ngayon natanggap ko na marunong ako kumanta at sumayaw.”
Anyway, released na ang music video ng Belladonnas para sa kantang “Sa Una Pa Lang” na ang kompositor ay si Blanktape Mandangan.
Ang “This is Me” concert naman ay nasa ilalim ng direksyon ni Robin Obispo. Choreographed by Mia Pangyarihan and Aira Bermudez who were both members of the popular Sex Bomb Girls, with Mich Garong and Donald Balbuena adding some more dance steps.
Special guests sa “This is Me” concert sina Kyline Alcantara, Hashtag members CK and Zeus Collins at Star Music and MOR DJ Anna Ramsey.
Tickets are available at SM Tickets.