Bello: Cash aid ng DOLE posibleng ibalik

Nakikita ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang posibilidad na maipagpatuloy ang tulong pinansyal sa mga manggagawa sa formal sector matapos manawagan ang Kongreso ng karagdagang pondo para sa emergency subsidy program ng kagawaran.

“We are hopeful that some positive developments are coming along the way for our displaced workers,” sabi ni DOLE Secretary Silvestre Bello III.

Binanggit ni Bello ang pagsisikap ng mga mambabatas sa pangunguna nina Senador Joel Villanueva at Bong Go na magkaroon ng karagdagang pondo para sa COVID Adjustment Measures Program (CAMP) na nagbibigay ng P5,000 one-time assistance sa mga manggagawa sa formal sector na apektado ng national emergency dahil sa COVID-19.

Noong nakaraang linggo, itinigil ng DOLE ang pagtanggap ng mga kahilingan para sa tulong sa ilalim ng CAMP matapos dumagsa ang mga aplikasyon na mabilis naubos ang P1.6 bilyong pondo para sa programa.

Dahil dito, nanawagan si Villanueva sa Department of Budget and Management (DBM) na dagdagan ang pondo sa CAMP ng DOLE upang matulungan ang mga manggagawa kung saan, noong Abril 17, ay mayroong 1,696,814 mula sa 63,335 na nag-ulat na mga establisimiyento sa buong bansa.

Sa bilang na ito, higit sa 1.2 milyong manggagawa ang naapektuhan ng pansamantalang pagsasara habang higit sa 550,000 sa kanila ang nasa mga alternatibong sistema ng pagtatrabaho tulad ng pagbawas sa mga araw ng trabaho, rotation, forced leave at telecommuting. (Mina Aquino)