Bello: Magmamatigas na OFW sa Libya kanselahin ang passport

Sisiguruhin ng Department of Labor and Employment (DOLE) na mapapauwi lahat ng mga overseas Fi­lipino worker (OFW) sa Libya matapos magdeklara ng alert level 4 o mandatory evacuation ang Department of Foreign Affairs (DFA) dahil sa nagaganap na civil war sa nasabing bansa.

Ayon kay DOLE Secretary Silvestre Bello III, kapag nagmatigas ang mga OFW sa mandatory evacuation ay ipapakansela sa DFA ang kanilang passport.

Mapipilitan umano silang gawin ito para na rin sa kaligtasan ng mga OFW sa Libya.

Pagkatapos aniya nilang kausapin ang mga OFW at ayaw talaga umuwi ng mga ito ay wala silang ibang paraan kundi kanselahin ang kanilang passport at tiyak na mapapalayas ang mga ito sa Libya.

Samantala, ipinahayag naman ni Charge d’Affaires Elmer Cato na ang pagkaantala sa kanilang suweldo ang dahilan ng ilang OFW sa Libya kung bakit ayaw pa umuwi sa Pi­lipinas kahit itinaas na sa alert le­vel 4 ng DFA ang sitwasyon sa naturang bansa.

Ayon kay Cato, marami ang nagsasabing gusto nilang umuwi pero gagawin lang umano ito kapag nabayaran na ang kanilang suweldo.

Sabi nito Cato, sa ngayon ay nasa 40 OFW na ang pumayag na umuwi ng Pilipinas sa ilalim ng repatriation program ng gobyerno. (Mina Aquino/Armida Rico)