Binaligtad ng Court of Appeals (CA) ang desisyon ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III hinggil sa unfair labor practices ng kompanyang pag-aari ng negosyanteng si Manny V. Pangilinan na Philippine Long Distance Telephone Company (PLDT) at ng subcontractor nito.
Sa 18 pahinang desisyon na may petsang Enero 24 at sinulat ni Associate Justice Luisa Quijano-Padilla, pinaboran ng CA 17th Division ang inihaing petisyon ng Meralco Industrial Engineering Services Corporation (MIESCOR) na humihiling na baligtarin ang mga naunang resolusyon na nilagdaan ni Bello noong Enero 10, 2018 at Abril 24, 2018.
Sa mga nasabing resolusyon ay kinumpirma ni Bello ang resulta ng imbestigasyon ng DOLE National Capital Region na sangkot ang MIESCOR at PLDT sa labor-only contractor activities.
Inatasan din ng DOLE ang MIESCOR at PLDT na bayaran ang 279 na mga manggagawa nila ng kabuuang halaga na P2.36 milyon bilang kabayaran para sa service incentive leaver conversion at refund deduction para sa kanilang mga kagamitan at uniporme.
Kinumpirma rin ni Bello ang naging desisyon ng DOLE-NCR na regular na empleyado ang mga manggagawa ng MIESCOR sa PLDT.
Ayon sa CA, nagkamali ang DOLE sa findings nito na sangkot sa labor-only contracting activities ang MIESCOR at PLDT base na rin sa isinasad ng Section 6 ng Department Order 18-A Series of 2011.