Sinalakay ng Food and Drug Administration (FDA) ang isang sangay ng medical clinic na pag-aari ni Dra. Victoria ‘Vicki’ Belo-Kho matapos na isailalim muna ito sa test-buy-operation at nakumpirmang hindi umano rehistrado at hindi rin nabigyan ng sertipikasyon na ligtas gamitin ang ilang produkto na ibinibenta nito.
Nitong Biyernes ng umaga nang salakayin ng Regulatory Enforcement Unit ng ahensiya ang Belo Medical Clinic sa Alabang, Muntinlupa City dahil sa mga paglabag umano sa batas, partikular ang Section 11 ng Republic Act No. 3720 o ang Food and Drug Administration Act of 2009 at RA No. 3720 o ang Food, Drug and Cosmetic Act kaugnay ng Article 1 ng ASEAN Cosmetic Directive na pinagtibay sa pamamagitan ng Administrative Order No. 2015-0015.
Ipinag-utos ng FDA na agarang itigil ng Belo Medical Group ang pagbebenta ng mga umano’y ‘mislabeled/misbranded cosmetic product’ nito kabilang ang mga sumusunod:
*ZO Medical by Zein Obagi
*MD Glycogent Exfoliation Accelerator 10% concentration
*ZO Medical by Zein Obagi Foamacleanse Gentle Foaming Cleanser for all types;
*ZO Medical by Zein Obagi Oclipse Sunscreen/Primer SPF 30 Protection
*Belo Illuminating Cream Alpha Arbutin+Liquorice
Belo Prescriptives Keralyt 2 Cream
*ZO Medical by Zein ObagiMD Melamix Skin Lightener & Blending Crème Hydroquinone USP 4%
*ZO Medical by Zein Obagi MD Melanin Skin Bleaching & Correcting Crème Hydroquinone USP 4%
*Belo Prescriptives Acne Astringent
*Belo Prescriptives Belo White
*Belo Prescriptives DLC Peeling Crème
ZO Medical by Zein Obagi MD Cebatrol.
Inihayag ng FDA na hindi dumaan sa registration process ng kanilang ahensiya ang mga nabanggit na produkto ng kompanya kung kaya’t hindi ito awtoridasong ibenta sa publiko.
Nabatid pa na tumanggi umano ang Belo Medical Group na ipainspeksyon ang kanilang klinika at pharmacy kaya mahaharap din ang kompanya sa iba pang kaso.
Sikat ang Belo Medical Group dahil sa mga celebrity endorser nito na tumatangkilik din sa serbisyo ng klinika gaya ng cosmetic surgery.