Belo Clinic tinuluyan ng FDA

belo-medical-group

Tinuluyan ng Food and Drug Administration (FDA) ang isang negosyo ni celebrity doctor Vicki Belo dahil sa pagbebenta ng beauty products na hindi rehistrado sa FDA.

Nabatid kay Retired General Allen Bantolo, Office in Charge (OIC) ng Regulatory Enforcement Unit (REU), sinampahan na nila ng kasong administratibo ang Belo Medical Group pharmacy matapos ikandado kamakailan ang isa sa mga sangay nito.

Aniya, matapos ipadlock ang isang pharmacy ng Belo Group ay agad nila itong ipinasa sa legal division upang magsagawa ng kaukulang imbestigasyon hinggil sa mga paglabag ng kompanya sa regulasyon.

Sinabi ni Bantolo, nagbunsod ang pagsasampa ng kaso sa Belo Group dahil sa patuloy ang pagtanggi na ma-inspeksyon ang 11 cosmetic products na hindi rehistrado.

Magugunitang nitong Pebrero 19 ng alas-dos ng hapon nang ipasara ng mga tauhan ng FDA ang isang pharmacy ng Belo Medical Group na matatagpuan sa sa West Gate Alabang , Muntinlupa City.

Aniya lumabag sa mga kasong Section 11(c) ng Republic Act No. 3720 o ang ‘Food, Drug and Cosmetic Act’ ang nasabing kompan­ya.