Belo sariling sikap sa workout

Bago nagsimula ang 45th season ng PBA, pinaoperahan ni Mac Belo ang injured na kaliwang tuhod.

Inuumpisahan na niya ang rehabilitasyon nang biglang manalasa ang coronavirus pandemic. Isinailalim sa enhanced community quarantine ang NCR, hindi na nakalabas ng bahay ang Blackwater big man.

Bawal ang pagpunta sa mga gym, tyinaga niya ang manu-manong workout.

“Mahirap sa kalagayan ko, second week na ng rehabo ko tapos inabot ako ng ECQ. Ang hirap, manu-mano,” paliwanag ng 27-year-old, 6-foot-4 forward sa PBA Kamustahan podcast.

Kung hindi nagsara ang gyms at clinics, malamang na nakarekober na ngayon si Belo.

Ginawa ng dating national player at pambato ng FEU ay umuwi ng Pampanga para makapag-rehab nang mas maayos kahit mag-isa lang siya.

“Ang hirap, walang mga gamit. Kaya naisipan ko umuwi ng Pampanga,” dagdag ni Belo. “Sa condo kasi hindi ako makagalaw.”

Maganda naman daw ang takbo ng rehab niya, umaasang habang kanselado pa ang PBA ay makakabawi rin siya. Wala pang kasiguruhan kung kailan itutuloy ang Philippine Cup na nakakaisang laro pa lang bago sinuspinde noong March 11.

“Kahit paano, nakakapag-workout naman ng maayos. Humihingi na lang ako ng program sa mga PT (physical therapists) ko,” panapos na lahad ni Belo. “Hopefully, matapos na ‘to (pandemic) para makabalik na ulit.” (Vladi Eduarte)