Binakbakan ni broadcaster Ben Tulfo si Kapuso News anchor Mike Enriquez matapos na batikusin ang una dahil sa umano’y mga pabor sa Department of Tourism (DOT).

Sa 35-minutong video sa YouTube ay minaliit ni Tulfo ang reputasyon ni Enriquez bilang crime buster dahil sa kanyang long-running television show na “Imbestigador.”

“Ngayon, either icon ka lang sa programa na ‘yan. I salute you for being good at it but that’s not real,” pahayag ni Tulfo sa episode ng Ben Tulfo Unfiltered.

“Sa totoong mundong ginagalawan ko sa Bitag, no-nonsense kami. Binabangga namin ang mga mamamatay-tao, tiwali, siraulo, pilosopo. Lu­malaban kami nang sabayan,” ani pa ni Tulfo said.

Pero hayagang binanatan ni Tulfo si Enriquez at kinantiyawang magaling lamang sa pagbabasa sa loob ng studio.

“Mike hindi ka pwedeng galusan kasi natatakot ang network mo kasi hanggang studio ka lang,” giit ni Tulfo.

Ang banat kay Enriquez ay ginawa ni Tulfo dahil sa naging komento ng huli sa kanilang radio show sa DZBB nitong Mayo 1 na ang ibig sabihin ng DOT ay ‘Department of Tulfo’.

Pinamumunuan ang DOT ng kapatid ng mga Tulfo na si Wanda Teo na nagigisa nga­yon dahil sa kontrobersiyal na P60M advertisement na ipinasok sa Bitag Media Unlimited Inc. sa PTV-4.
Maliban sa pagtawag na De­partment of Tulfo sa DOT ay bumanat pa si Enriquez ng mga katagang: “Masarap ang may kapatid sa DOT.”