BENCH POWER NG LIONS

Humugot ng tapang ang San Beda College Red Lions sa bench para itakas ang 90-82 panalo laban sa Emilio Aguinaldo College Generals kahapon sa 92nd NCAA men’s basketball tournament sa The Arena sa San Juan.

Kinabog ang Red Lions nang mapasama ang bagsak ni Cameroonian Donald Tankoua at lumabas ng court sa dulo ng first quarter.

Mabuti na lang at nag-deliver sina rookie Benedict Adamos at Ranbill Tongco kaya nasakmal ng Red Lions ang 10-1 karta na nagpanatili sa mga taga-Mendiola sa tuktok ng standings.

“We were a little disoriented after Donald (Tankoua) was injured but we found a way to win in the end by exploiting mismatches,” saad ni San Beda coach Jamike Jarin.

Nanguna sa opensa ng San Beda sina Fil-Am Davon Potts at Tongco na may 20 at 12 points, kumana ang 20-year-old transferee mula TIP na si Adamos ng 11 points, seven rebounds at block.

Bumira si Sidney Onwubere ng 19 points, may 18 at 15 markers sina Laminou Hamadou at Francis Munsayac para sa EAC (3-8).

Sa unang laro, tinuldukan ng San Sebastian Stags ang nine-game losing streak matapos padapain ang Perpetual help Altas, 71-55, sa unang laro.

Bumira si Alvin Capobres ng 13 points para tulungan ang Stags na ilista ang pangalawang panalo sa 11 na laro.

Sa third match, itinumba ng Arellano University ang College of Saint Benilde Blazers, 78-69.
Nirehistro ni Jio Jalalon ang 17 puntos para itarak ang 9-2 card ng Chiefs habang wala pang panalo ang Blazers sa 11 laro.