Pinirmahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Agosto 2 ang Republic Act No. 10930 o batas na nagpapalawig sa validity period ng driver’s license hanggang limang taon.
Nakasaad sa bagong batas na limang taon na ang bisa ng lisensya maliban na lang kung ito ay bawiin o suspindehin.
Hindi naman kasama sa na-extend ang student permits.
Para sa mga professional at non-professional drivers na walang lalabagin na batas trapiko sa loob ng limang taon, maaari nilang ipa-renew ang kanilang lisensya ng hanggang sampung taon sa ilalim ng restrictions ng Land Transportation Office (LTO).
Samantala, mas mahigpit na rin ang batas na ito dahil masisibak sa serbisyo ang sinumang opisyal na magbibigay ng driver’s license sa hindi kwalipikadong aplikante.
Epektibo ang naturang batas 15 araw matapos malathala sa pahayagan na may general circulation mula nang maaprubahan.
Marami ang naghahangad na maisabatas ang RA No. 10930 at nangyari na nga.
Kung wala lang sanang iregularidad sa LTO ay wala sanang pagpapalawig sa validity ng lisensyang nangyari.
Pero dahil sa sandamakmak na kalokohang nangyayari sa pagkuha ng driver’s license ay bumuo at nagpasa ng batas ang Kongreso na inaprubahan naman ng Pangulo.
Ang pagbabagong ito sa validity ng driver’s license ay may malawak na epekto sa LTO dahil mababawasan na ang trabaho ng mga LTO, ibig bang sabihin ay magkakaroon ng pagbabawas ng tao sa LTO?
Habang positibo at negatibo naman ang epekto nito sa publiko.
Negatibo dahil mahaba-habang panahong magkakaroon ng lisensya ang mga pasaway sa kalye sakaling magiging maluwag ang batas laban sa mga sakit ng ulo na motorista.
Kaya dapat ay istriktong maipatupad ang batas laban sa mga pasaway na motorista upang masuspinde agad ang mga ayaw sumunod sa batas trapiko at mabawasan ang mga sakit ng ulong tsuper.
Positibo naman dahil mababawasan ang oras na ginugugol ng isang nagre-renew ng lisensya bukod pa sa bawas gastos ito.
May kani-kaniya tayong pananaw sa pinirmahang batas na ito ng Pangulo, ang hangad na lamang natin ay maging kapaki-pakinabang sana ito sa bawat isa sa atin at sa ating gobyerno sa pangkalahatan.