Hirap ka bang maligo sa umaga dahil sa lamig ng tubig? Tiyak akong marami sa atin ang nagpapakulo pa ng tubig o gumagamit ng heater sa paliligo lalo na tuwing madaling-araw.
Kakaibang lamig kasi ang nararanasan sa ating bansa dulot ng hanging amihan o northeast monsoon.
Pero alam ninyo bang may magandang benepisyo pala sa katawan ang cold shower?
Ayon sa ilang medical experts, may kinalaman sa pisikal na katangian, dugo at pag-iisip ang mga benepisyong hatid ng malamig na tubig sa paliligo.
Malaki raw ang naitutulong ng cold shower sa maayos na blood circulation ng katawan.
Kung mahilig ka sa physical activities, maganda raw ang cold water sa paliligo dahil nababawasan nito ang pamamaga ng muscles na dulot ng matinding ehersisyo.
Karaniwan daw kasing namamaga o nag-swell ang muscles kapag nabubugbog. Para hindi sumakit at mamaga, dapat magkaroon ng cold water immersion.
Nagiging alerto rin ang isang tao na sanay maligo gamit ang malamig na tubig. Para raw nasa-shock ang katawan natin sa cold water. Nagigising din daw nito ang lahat ng senses.
Nakagaganda rin daw ng kutis ang cold water. Kapag malamig na tubig ang gamit, lumiliit daw ang pores ng balat at bumubuti ang oxygenation ng cells.
Ang sa akin lang — kahit pa maraming magandang dulot sa katawan ang cold shower, importante pa ring tantiyahin ang sarili sa paggamit ng malamig na tubig.
May ilan kasing pag-aaral na nagsasabing nagpapataas ng blood pressure ang pagkabigla sa paggamit ng cold shower.