Tiniyak ni dating Special Assistant to the President at ngayon ay senatorial candidate Bong Go na kanyang isusulong ang kapakanan ng mga midwife sakaling palarin na maupo sa Senado.
Ipinahayag ito ni Go nang maging panauhing pandangal sa 20th National General Assembly ng Philippine League of Government and Private Midwives Inc. sa Pasay City noong Martes.
Sinabi ni Go na isa sa mga uunahin niya ay mapahusay ang quality healthcare, pati na ang kapakanan ng mga midwife sa bansa.
Ipinaabot naman ng mga opisyal ligal na huwag silang kalimutan na mabigyan din ng angkop na mga benepisyo tulad ng tinatamasa ng ibang manggagawa sa gobyerno.
“Asahan n’yo po papakinggan ko ang mga midwives, isusulong ko po ang inyong kapakanan,” ayon kay Go.
Napansin ng dating kalihim na umaapaw ang mga pasyente sa mga pampublikong hospital at dahil sa dami ay pati mga corridor sa mga pagamutan mayroon aniyang pasyente.
“Paano po sila gagaling kung ganu’n ang kalagayan nila? Kung may pera po naman tayo sa gobyerno uunahin talaga ang health services, pati po ang kapakanan ng midwives,” ani Go.