Benepisyo ng mga senior citizen palawakin pa

Ang life expectancy ng mga Pilipino ay nasa average na 71.16 years old sa kasalukuyang taon. Mas mataas ito kumpara noong 2016 na nasa 69 years old lamang.

Sa ilalim ng panukalang batas ni Senador Bong Revilla, uutay-utayin ang pagbibigay sa ating mga senior citizen ng Centenarian Fund na P100,000. Mas maaga itong ibibigay para tumaas ang tsansa ng mga matatanda na makakuha ng ganansiya mula sa nasabing batas.

Kung ang requirement dati ay dapat makarating ka ng 100-taong gulang para makuha mo nang buo ang pera, ngayon, kapag nakaabot ka ng 80 (P25K). Kapag uma­bot ka ng 90 (P25K) at ang balanse na P50K ay makukuha kung susu­wertihin kang makaabot ng 100.

Kung life expectancy ng mga Pinoy ang pag-uusapan, effort pa na marating ang edad na 80. Ganumpaman, marapat na papurihan ang hakbang ni Senador Revilla.

Habang pinag-uusapan na rin lang ang Centenarian Law, marapat na ring pag-aralan ang epektibong pagpapatupad ng Senior Citizens Law.

Marami pa rin pong mga establisimyento na tinatangkang takasan ang mga alituntunin ng batas. Lalo na sa public transport na hindi lubusang nabibigyan ng diskuwento sa pamasahe ang mga matatanda. Madalas ipinapahiya pa ng mga walang modong driver.

Baka kinakailangang mas higpitan ang parusa? At higpitan ang pagpapatupad?
Marami pa tayong batas na puwedeng gawin para sa kapakanan ng ating mga matatanda.

Baka puwede rin na­ting silipin ang age of retirement? Nasa 60 years old ngayon ang edad ng pagreretiro. Marami pa hong mga matatanda na ang tikas pa kahit edad 60 na. Puwede pa silang maging produktibong miyembro ng lipunan.

Sa ibang bansa gaya ng Japan, ang mga matatanda are still being hired as doorman, ticket counter attendant, street sweeper, etc. Sa pamamagitan nito, mabibigyan natin sila ng dignidad sa nalalabing panahon ng kanilang buhay. Hindi sila magiging pala-asa sa anak matapos ang pagreretiro.

Minsan ang pagtanda ay nangangahulugan lamang ng patuloy na paghahanap ng mga bagay na makahulugan sa buhay. After all, naging bahagi sila ng nation building sa kanilang mas produktibong panahon. The least that we can do, ay dagdagan ng konting ginhawa ang kanilang buhay.

Pagbutihin pa natin ang pagtanaw ng utang ng loob sa ating mga matatanda.