Inaprubahan na sa committee level ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang batas na layong magtatag ng mga polisiya para sa proteksyon at kapakanan ng mga caregiver.
Sa ilalim ng panukala na inaprubahan sa pagdinig ng House committee on labor and employment nitong Lunes na pinamumunuan ni 1-Pacman party-list Rep. Enrico Pineda, iginiit ang kahalagahan ng tungkulin ng mga caregiver para sa pambansang pag-unlad.
Bukod sa maayos na polisiya sa caregiver profession, dapat din umanong protektahan ang mga ito laban sa anumang pang-aabuso, harassment at economic exploitation.
Tinalakay din sa pagdinig ang mga kasalukuyang isyu na nararanasan ng mga Pinoy caregiver tulad ng maliit na suweldo at kawalan ng mga social benefit.
“‘Yung kulang ang minimum wage, then wala silang social benefits. They work long hours. The caregivers are prone to abuses,” ayon kay Pineda.
Sa ilalim ng inaprubahang panukala, bibigyan ang bawat employed caregiver ng mga social benefit tulad ng PhilHealth at Social Security System, at suweldo na hindi bababa sa minimum wage. (Lorraine Gamo)