Na-sweep ng Benguet State University ang pitong matches, winalis ng Balili ang walong mga nakasipaan at pumoste ng 6-1 win-loss record ang Buyagan pagtig-iisa nilang titulo sa kasibulan boy’s football 4-aside kahapon sa 800-kid, 17-barangay 2017 second leg Philippine Sports Commission-Children’s Games sa BSU soccer grounds sa La Trinidad, Benguet.

Ungos ang BSU sa Wangal sa finals, 2-1, sa goals nina Inzhagi Tabdi, 8 at ng Brgy. Balili, at Tristan Cogan para makopo ang 6-8 age group crown kasama sina teammates Christian Dave Aquino at Ghianne Balacwid sa 12-team event.

Pangwalo’t huling tinabig ng Balili sa championship round ang Poblacion, 2-0, tungo sa pag-upo sa trono ng 9-10 age level na may 14 squads; at umaalpas din ang Bu­yagan sa Bineng sa finale, 1-0, para masikwat ang 11-12 age bracket gold medal na may 12 ang mga kalahok.

Nagkasya sa bronze sa 6-8 ang Lubas, Tawang sa 9-10 at Balili sa 11-12 ng tatlong araw na event na nakatuon hindi lamang sa pagpapalawak sa grassroots sports kundi sa paghubog sa pag-uugali, disiplina at direksiyon ng mga kabataan.

Sa 14 teams girl’s volleyball sa katabing gymnasium, namayagpag ang Lubas tapos ng 25-14, 25-13 win sa Betag sa finals. Tumersera ang Bahong makalipas ang 25-20, 25-14 victory sa Shilan.

 Mainit at malugod na tinanggap ng mga taga-nasabing bayan at lalawigan ang okasyon na binuksan kamakalawa kung saan ang kumatawan kay guest speaker PSC Chairman William Ra­mirez ay si Commissioner Fatima Celia Kiram.

“Gusto namin na ma­ging matagumpay kayo lahat at manalo sa lahat ng larangan na gusto ninyong puntahan. Kaya kami ay nais namin magamit ninyo ang sports para sundin ang inyong hakbang para kayo magtagumpay,” wika ni Kiram.