Imbes na pagtuunan ng pansin ang pagpapalit ng pangalan ng Benham Rise, iginiit ng isang senador na dapat unahin ang malalim na research sa 13 milyong ektaryang underwater plateau.

Ito ang iginiit ni Sen. Sherwin Gatchalian matapos na itulak ng Malacañang ang pagpapalit ng pangalan ng Benham bilang Philippine Rise upang mapanindigan ang pag-aari sa nasabing teritoryo.

Ayon sa chairman ng Senate committee on economic affairs, madali lang ang pagpapalit ng pangalan ng Benham Rise, subalit ang pinakamahirap gawin ay kung ano ang itinatago ng nasabing teritoryo.

“Itong Benham Rise kaya tinawag na Benham Rise eh na-discover ito ng isang explorer na si Abraham Benham noong 1933 kaya ipinangalan sa kanya. But I think depende sa kung ano ang magiging justification but puwede namang pag-usapan kung pangalan lang ang papalitan,” diin ni Gatchalian.

“Umpisahan na ‘yung research and development para malaman natin kung ano ‘yung puwede nating makuha at magamit,” ­aniya pa sa isang programa ng himpilang DwIZ.

Sa pagdinig ng komiteng pinamumunua­n ni Gatchalian noong naka­raang linggo, humarap ang isang executive ng Philippine National Oil Company (PNOC) at sinabing walang petrolyo sa Benham Rise.