Garapalan na ang bentahan ng droga dahil mismong sa gusali ng isang kilalang department store ginawa ang transaksiyon.

Minalas namang nabuking at naaresto ang da­lawa katao at nakumpiska ang tinatayang P3.4 mil­yon halaga ng shabu sa isang buy-bust operation sa Bacoor City, Cavite.

Kinilala ang mga naaresto na sina Reiner Magbuhay III alyas Tan at Kevin Mateo.

Sa ulat ng Bacoor City Police Station (CPS), alas-12:00 kamakalawa ng hatinggabi nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga miyembro ng PDEA SES at PDEA Calabarzon sa pakikipag-ugnayan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Bacoor CPS sa ground floor parking area ng isang mall sa Molino na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga suspek. Nakuha sa kanilang pag-iingat ang tinatayang 500 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na P3.4 milyon, Samsung 8 cellular phone, P1,000 buy-bust money at itim na back pack.

Kasong paglabag sa RA 9165 ang isinampa laban sa mga suspek na kasalukuyang nakakulong sa Bacoor City Custodial Center. (Gene Adsuara)