Mahina ang bentahan ng mga ticket kahit bisperas na ng salpukan nina eight-division champion Manny Pacquiao at four-division king Adrien Broner para sa World Boxing Association (regular) world welterweight championship ngayong gabi sa Estados Unidos (bukas ng umaga sa Pilipinas).

Halos wala pa kalahati ang okupadong mga silya sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Nevada, ang lugar kung saan maraming beses ginanap ang mga blockbuster fight ng boxing senator.

Base sa pinakitang charts ng ticketmaster sa kanilang website kagabi, may 20 lugar pa lang ang sakop na o nabilihan ng ticket ng boxing fans, samantalang bakante pa ang may 58 area sa loob ng nabanggit na lugar na nakapalibot sa ruwedang parisukat.

Sa matagal na panahon at sa maraming nakaraang mga laban ng Pambansang Kamao, tuwinang maagang nauubos ang mga ticket, pinakamatinding bumenta ang bangasan nila ni Floyd Mayweather, Jr. noong 2015.