Berna pinagtripan ni Digong

Naging sentro ng pagbibiro ni Pangulong Rodrigo Duterte si Tourism Secretary Bernadette ‘Berna’ Romulo-Puyat sa dinaluhang aktibidad kamakalawa nang gabi sa Davao City.

Sa panimula ng kanyang talumpati sa food and travel festival sa isang mall sa lungsod, paulit-ulit na binasa ng Pangulo ang unang bahagi ng kanyang speech dahil may mali aniya sa pangalan ni Puyat.

Nagtawanan ang mga bisita nang banggitin ng Presidente ang “Secretary Bernadette Romulo-Puyat Duterte” habang umiiling naman ang kalihim.

Pero agad kumambiyo si Pangulong Duterte at sinabing pinapatawa lamang nito si Puyat dahil malungkot aniya ito.

“Tourism secretary Bernadette Romulo-Puyat. May kulang ‘to. Ah, Tou­rism secretary Bernadette Romulo-Puyat-Duterte. (laughter) Hindi, pinapatawa ko lang yung ale kasi malungkot,” anang Pangulo.

Madalas biruin ng Pa­ngulo si Puyat kahit noong Undersecretary pa lamang ito ng Department of Agriculture.

Kabilang dito ang pagtawag ng Pangulo na “daddy” sa ama ni Puyat na si dating senador at ngayon ay chairman ng Development Bank of the Philippines Alberto Romulo.

Kasama rin sa biro ni Pangulong Duterte kay Puyat kahit nasa kalagitnaan ng talumpati na nasisilaw ito sa maputing legs nito lalo na kapag nakaupo ang kalihim sa harapan ng mga bisita.