Tiniyak ni Chief Justice Lucas Bersamin na walang mangyayaring “lutuan” o dayaan sa kung anuman ang magiging desisyon ng en banc sa vice presidential electoral protest na inihain ni dating senador Bongbong Marcos kontra VP Leni Robredo.

Kasabay ng paglulunsad ng kanyang memorabilia, sinabi ng Punong Mahistrado na sa susunod na Martes, Oktubre 15, tuloy ang deliberasyon sa naturang protesta.

“We are expected to have a result by next week. It may not be what you expect. Kasi we are still discussing on many other things. So that’s all I can tell you. Don’t worry that… hindi ko niluluto, hindi puwedeng lutuin ‘yan eh,” ayon kay Bersamin.

Nitong mga nakalipas na araw, lumutang ang mga balita na mayroon nang ilalabas na desisyon ang Presidential Electoral Tribunal sa poll protest ni Marcos.

Sa ngayon ay natapos na ang recount at revision sa 5,415 polling precincts mula sa Camarines Sur, Iloilo at Negros Oriental na tinukoy ni Marcos.

Si Associate Justice Alfredo Benjamin Caguioa ang ponente ng report na naisumite na rin sa tribunal. (Anne Lorraine Gamo)