Martsa ang San Beda University sa 2 sunod na panalo para sa imakuladang marka sa BEST Center Small Basketeers Philippines-Passerelle Tournaments nitong Linggo sa Xavier University Gym, San Juan.

Ang panalo ng Beda kontra College of San Benildo-Rizal, 53-52, ang nag-ungos sa kanila sa record ng Claret School na 1-0. Sinakal ng CS ang La Salle Santiago Zobel White, 72-19, para masadlak ito sa 0-2 sa Group A.

Magandang panimula rin ang pinakita ng La Salle-Greenhills sa torneo nang araruhin ang San Sebastian College-Recoletos (0-1), 57-35, para buhu­lan ang La Salle Zantiago Zobel Green sa liderato ng Group B sa 2-in-1 hoopfest na mga suportado ng MILO, Rain or Shine, Chris Sports at SKLZ.

Nanatiling dominante naman ang Nazareth School ng National University (2-0) nang pabagsakin ang Casimiro A. Ynarez Memorial National High School (0-2), 110-22, para sa Passerelle lead, katabla ang San Beda (2-0) na pinagtripan ang LSGH (1-1), 52-43.

Sa huling laro, wagi ang La Salle Santiago Zobel (1-1) kontra Baste (0-2), 50-39. (Aivan Denzel Episcope)