
Nadagdagan ang mga sinehan ng pelikulang “Rainbow’s Sunset” matapos itong manalong Best Picture sa Gabi ng Parangal ng MMFF.
Humakot ng 11 award ang nasabing LGBT-themed family drama ni Direk Joel Lamangan, na kahit paano ay nagkaroon ng magandang epekto sa box office result nito.
Balitang from 50+ cinemas nu’ng opening day ay naging 31 na lang ang sinehan nito nu’ng second day, tapos ay 19 cinemas na lang daw nu’ng third day ng festival.
Kahapon sa ikaapat na araw ng MMFF ay nadagdagan daw ng sinehan ang “Rainbow’s Sunset” at ayon sa report ng SM Cinemas ay dumami naman daw ang nanonood nito.
So, after yesterday ay mukhang hindi na ‘botomesa’ ang Best Picture winner ng MMFF 2018.
Tatlong pelikula ang dinig namin ay nangungulelat sa takilya, pero hindi na lang namin babanggitin kung ano-ano ang mga ‘yon.
Wait na lang natin ang filmfest committee na mag-announce ng ranking ng walong pelikula.
Sa labanan para sa top spot, ang sabi ng source namin ay totoong nakaungos ang “Fantastica” ni Vice Ganda sa pumapangalawa rito na “Jack Em Popoy: The Puliscredibles”
Ayon sa latest tweet ni Vice ay naka-P150M na ang “Fantastica” sa ikatlong araw nito.
Sey ng source namin, totoong nakalamang na ang “Fantastica” sa “Jack Em Popoy”, pero hindi naman daw sobrang laki ng lamang na ‘yon.
Mas maliit daw ang lamang ng movie ni Vice this year kumpara sa lamang ng “Revenger Squad” niya last year sa “Ang Panday” ni Coco at “Meant To Beh” ni Bossing.
In all fairness ay malakas din daw kasi talaga ang “Jack Em Popoy” nina Coco, Vic at Maine Mendoza.
And compared to their entries last year, mas may legs daw sa box office ang “Jack Em Popoy” dahil matino ang pelikula at mas maganda ito kumpara sa mga kapanabayan nito.
***
Best Actor nagkatrangkaso
Trangkaso ang sinabing dahilan ng manager ni Dennis Trillo na si Popoy Caritativo kaya hindi nakadalo si Dennis sa Gabi ng Parangal ng MMFF.
Sinabi rin ni Popoy sa kanyang acceptance speech na hindi nila inaasahan ang award na ‘yon. Nasa bahay raw si Dennis at nagpapahinga dahil balik-trabaho na ito kinabukasan.
Tuloy-tuloy kasi ang taping nina Dennis para sa “Cain at Abel” at feeling namin, siya mismo ay hindi nag-expect na masusungkit niya ang Best Actor trophy, na ang hinuhulaang mananalo ay si Eddie Garcia para sa “Rainbow’s Sunset.”
Ang sweet ni Dennis, na inalay ang kanyang award sa mga mahal niya sa buhay, lalo na sa kanyang nobyang si Jennylyn Mercado.
14 years ago ay nanalo ring MMFF Best Actor si Dennis para sa first movie niyang “Aishite Imasu 1941: Mahal Kita” na dinirek ni Joel Lamangan.
Naalala namin na nanalo ring Best Actor si Dennis para sa nasabing pelikula sa PMPC Star Awards for Movies nu’ng taon na ‘yon.
Naging kontrobersyal ang pagwawagi ni Dennis sa PMPC at muntik na siyang talunin ng isang hindi karapat-dapat na manalo!