Nagpapasaklolo sa National Bureau of Investigation (NBI) ang isang beteranong konsehal ng Maynila para maimbestigahan ang grupo ng mga kasalukuyan at dating konsehal ng lungsod na umiikot sa mga establisimiyento para mangikil umano ng pera kapalit ng kalayaan sa pagnenegosyo.
Sa kanyang privilege speech, sinabi ni Councilor Bernie Ang (3rd district) na kinakailangan nang magkaroon ng masusing imbestigasyon para magawan ng kaukulang aksiyon ang mga naturang tiwaling konsehal at dating konsehal ng Maynila.
Una nang napalathala ang ginagawang panghihingi ng halagang P30,000-P60,000 ang mga konsehal bilang proteksiyon sa kanilang negosyo.
Sinabi ni Ang na naalarma siya matapos malaman na umiikot din ang grupo sa mga establisimiyento sa Binondo area. Nagpahayag din ito ng pagkadismaya dahil nasisira ang imahe ng konseho dahil sa ginagawa umano ng mga konsehal.
“We were elected to create meaningful laws that will redound to the benefit of the city and its residents, including those doing legitimate business in the city and not to use our position for selfish, errant interests,” wika ni Ang.