SI Albert ‘Betong’ Sumaya ang pinakamasaya nang inalok sa kanya ng GMA 7 na maging host sa ­All-Star Videoke Challenge.

Iba na ang mechanics ng contest, mas maganda ang set at mas masaya.

Kasama pa ni ­Betong si Solenn ­Heussaff na ilang ­beses na rin niyang nakatrabaho.

Fan na fan siya ng musical game show na ito at tuwang-tuwa na siya noon nung minsang napasali siya bilang isa sa contestants.

Bukod pa riyan, mahilig din siyang kumanta. Lahat sila sa pamilya ay mahilig kumanta lalo na ang nanay niya.

“Parang hindi ako makapaniwala na ang bigat ng susundan ­namin, ‘di ba?” ­bulalas ni Betong.

“I’ll take it as a challenge na… ­siguro naman ay hindi ibi­bigay sa ‘yo ng GMA kung hindi mo makakaya.”

Kaya nu’ng nagkita sila ni Allan K sa kasal nina Arthur ­Solinap at Rochelle Pangilinan, humingi siya ng basbas sa isa sa mga original host ng All-Star K.

“Sabi niya sa akin, ‘Oo naman, kaya n’yo ‘yan. Siguro kailangan na ng bagong generation ng host ng All-Star K, at least kayo na ang magpapatuloy.’ Sabi niya,­ sana tumagal kayo,” napapangi­ting pahayag ni Betong.

Bago sila isinalang sa first taping nito, madami-dami silang napanood ni Solenn na episodes ng All-Star K nina Allan K at Jaya.

Dito sa All-Star Vi­deoke ay may karakter si Betong na gagampa­nan dito bilang si Bekioke para dagdag na patawa sa programa.

Keri niya ito dahil sanay na sanay na rin ­siya sa mga ginagawa niya sa Bubble Gang.

Dito na rin namin ­pinasagot kay Betong ang nakakarating sa ­aming kuwento tungkol sa ­ugali raw nito kapag nasa ­ta­ping sila ng ­Bubble Gang.

Napapag-usapan ­kasing mahilig mag-playtime si Betong, ­pero kapag siya na ang ­pini-playtime, kaagad na ­napipikon ito.

Kaagad niya itong itinatanggi.

“Ang iniisip ko po ­kasi, nasa ganitong klase kang ­industry, so bawal ang pikon ­talaga, eh.

“Siguro may konting kirot, pero kailangan marunong kang ­sabayan. Kasi pag-asar, ­talo,” mabilis niyang sagot sa amin.

“Sa Bubble Gang ­kasi, dapat talaga handa ka sa mga asaran.

“Hindi man sa ­parang inaano mo na huwag kang mapikon pero dapat marunong kang ­sumakay.

“Ang hirap, ‘pag mag-react ka po, lalo kang pipikunin eh. So, sakyan mo na lang. ‘Pag niloko ka, lolokohin mo rin sila,” pahayag ni Betong.

Sanay na sanay na raw ­siya sa mga asaran at patawa, ­kaya bakit pa raw siya mapipikon?

Sa September 3 na pagkatapos ng 24 Oras Weekend na magsisimula itong All-Star Videoke na madalas munang sumasali rito ay celebrities.

Ang mananalo ritong All-Star Videoke Champ ay makaka­tanggap ng P100,000.